Chapter [22] Terenz Dimagiba
Pagkagising ko kinaumagahan ay wala na si Sir Pancho sa aking tabi. Nagulat lamang ako noong maayos na akong nakahiga sa higaan at may kumot pang nakatakip sa aking katawan. Wala sa sarili na napahawak ako sa aking buhok dahil pakiramdam ko ay may kamay na humahaplos doon. Ayokong isipin na ginawa nga iyon ni Sir Pancho habang natutulog ako, pero ramdam ko talaga iyon. Hindi ko napigilan ang ngiti na kumawala sa aking mga labi. Mabilis akong bumangon at lumabas sa kaniyang kwarto. Nasa hamba pa lamang ako ng hagdan pababa ay amoy ko na ang mabangong amoy ng pagkain. May mga mumunting tawanan din akong naririnig sa kusina. Kaagad na nagsalubong ang aking mga kilay.
"Oh, Terenz! Gising ka na pala," malapad ang ngiti na tawag pansin sa akin ng isa sa mga kasambahay.
"Ano po ang meron?" nagtataka kong tanong.
Kita ko ang hawak niyang mangkok na puno ng pagkain. Naghagikhikan sila ng kaniyang kasamahan at inumwestra sa akin ang kusina. "Nagbalik na siya," nakangisi niyang tugon.
Tinapik ako ng kasamabahay sa balikat at iniwan akong naguguluhan pa rin. Wala akong nagawa kung hindi sumilip sa kusina at doon ay nakita ko si Sir Pancho kasama si Nanay Matilda. Nagluluto si Nanay habang si Sir Pancho ay tila bata na nakayakap sa likod ng matanda.
"C'mon, Nana, forgive me already. Hindi na po mauulit, promise," maktol ni Sir Pancho.
Si Sir Pancho ba talaga iyang nakikita at naririnig ko?
"Hay naku, apo. Hindi ko alam kung ano ang nangyari pero masaya ako at nagbalik ka na. Na-miss ko ang dati kong alaga," si Nanay.
Humarap siya kay Sir Pancho at magiliw na hinawakan ni Nanay ang mukha ni Sir. Kita ko sa mga mata niya na labis niyang na-miss si Sir Pancho. Nakaramdam ako ng kakaibang kiliti sa aking tiyan pataas sa aking dibdib. Ang tunay na Sir Pancho. Ngayon kaya, magiging maayos na rin siya sa akin?
"Na-miss kita, apo," si Nanay. "Sana ay maging maayos na rin kayo ng Daddy mo. Tiyak matutuwa ang Mommy mo roon."
Tipid na ngumiti sa kaniya si Sir Pancho. Nakita kong nag-alangan siya sa sinabi ni Nanay pero tumango naman siya pabalik. "I'll work on that, Nana."
Napangiti ako. Masaya ako para kay Nanay. Alam kong iyan ang matagal na niyang hinihintay. Hindi ko pa alam kung bakit nag-iba si Sir Pancho at kung anong nangyari sa kaniya noong maliit pa siya, pero masaya ako sa pagbabago niya. Sana lamang, maging maayos na rin ang puso niya. Alam kong dinaramdam niya pa ang paghihiwalay nila ni Sir Ellie.
"Oh, Terenz, apo? Bakit nakatayo ka lamang riyan? Halika rito at tulungan mo akong ayusin ang agahan natin."
Napapitlag ako noong tinawag ako ni Nanay. Isang nahihiyang ngiti ang ibinigay ko sa kaniya. Nahihiya rin akong tumingin kay Sir Pancho. Lalo na at magkatabi kami kagabi na natulog!
"I want to eat breakfast with Terenz, Nana. Maaari bang makasama ko muna siya rito?"
Pareho kami ni Nanay na gulat na napatingin kay Sir Pancho. Kakain? Kasama siya? Sa iisang lamesa? Siya at ako? Tama ba ang narinig namin?
"A-Ah, aba eh... walang kaso, apo. Ikaw, Terenz, apo, ayos lamang ba sa iyo?"
Hindi, Nanay! Iyon ang gusto kong sabihin, pero mariin ang titig ni Sir Pancho sa akin na wala na akong nagawa kung hindi ang pumayag. Noong iniwan na kami ni Nanay, ramdam ko ang pangangatog ng mga tuhod ko. Ang lakas-lakas ng tibok ng puso ko!
"Renz, maupo ka na," si Sir Pancho na medyo kinagulat ko pa. Ngayon lang niya ako tinawag na ganoon. Hindi na pauper at malambing pa.
Nakaupo na pala siya. Parang tanga naman akong uupo sana sa upuang malayo sa kaniya, pero tinuro niya ang upuan sa tabi niya. Ang upuan na inuupuan dati ni Sir Ellie. Napalunok ako bago naupo roon.
Nagsimula siyang kumuha ng pagkain at maglagay sa pinggan niya. Sumilip ako sa kaniya at hindi ko na naman napigilan na mamangha. Ang gwapo-gwapo ni Sir Pancho.
"Hindi ka pa kakain?" nakangiti niyang baling sa akin.
Mabilis naman akong nag-iwas ng tingin. Nanginginig pa ang kamay ko sa paghawak ng kutsara. Pakiramdam ko ay tinutupok ako ng bawat titig niya sa galaw ko. Parang lalabas ang puso ko sa bibig ko. "Hey, Renz..."
Nag-angat muli ako ng tingin nang tinawag niya ako. Diretso siyang nakatingin sa mga mata ko. Para akong hinihigop ng titig niya. "S-Sir?"
"Ellie said something to you before he left, right?"
Natigilan ako. Nagtagal ang titig ko sa mga mata niya at nakita ko ang labis na sakit doon. Oo nga naman, Terenz. Hindi ibig sabihin na nagbago siya ay magbabago rin kaagad ang damdamin niya. "H-Hinabilin ka po niya sa akin, S-Sir," ang kinakabahan kong pag-amin.
Rinig ko ang malakas niyang buntonghininga. Pumikit ako nang mariin habang nakayuko. Baka sisigawan niya ako ulit? Sisisihin niya ba ako? Dahil hindi ko sinabi kaagad ang plano ni Sir Ellie? "As expected of my Ellie..." mababa ang boses niyang sabi."I'm sorry, Renz."
Mabilis pa sa alas-kwatro na nagtaas ako ng tingin sa kaniya. Ngumiti siyang muli sa aking harapan. Natuod na ako ng tuluyan nang haplusin niya nang marahan ang aking buhok. Ang pamilyar na sensasiyon na iyon. Sabi ko na at ramdam ko talaga na hinaplos niya ako habang tulog.
"Sorry for being mean to you all this time. Hindi pa kasi ako nakapagpatawad sa isang karanasan ko dati noong maliit ako. Sorry at dinamay rin kita," ang mahaba niyang litaniya. "Sana hindi ka nagalit sa akin. I hope I am not too late to treat you better."
Gusto kong maiyak. Gusto ko siyang yakapin. Paano ko sasabihin sa kaniya na kahit kailan ay hindi ako nagalit sa kaniya? Na iba ang naramdaman ko para sa kaniya? Masasabi ko nga ba sa kaniya itong nararamdaman ko? Natatakot ako. "H-Hindi naman po ako nagalit sa iyo, S-Sir Pancho," ang tangi kong nasabi.
Mas lumapad ang pagkakangiti niya sa akin. "Thank you, Renz. Salamat hindi lamang sa pagsama mo sa akin kagabi. Thank you for being patient to me all this time. I hope you'll stay just like that with me."
Kahit hindi mo sabihin, handa akong gawin lahat para sa iyo. Sana maghilom na ang sugat diyan sa puso mo. Alam kong masamang isipin ito dahil pinagkatiwala ka ni Sir Ellie sa akin, pero hindi na rin naman siguro siya babalik pa. Sana kapag nagmahal ka ulit, ako naman.
Nang araw na iyon ay hindi pumasok si Sir Pancho. Nais niya raw munang magpahinga ng ilang araw. Nasabi na rin niya sa kumpaniya at hindi ko na kinagulat nang tumawag sa akin si Ninong para magtanong. "Naghiwalay po kasi sila ni Sir Ellie, Ninong," malungkot kong balita kay Ninong.
Matagal bago siya nakasagot mula sa kabilang linya. Buntonghininga ang narinig ko bago sumagot si Ninong sa akin.
"I want to comfort that kid pero hindi ko pa alam kung paano makipaglapit sa kaniya. I've done so many things that made Pancho drift away from me. Sana huwag mo siyang pabayaan, Terenz. Ipinapaubaya ko sa iyo ang anak ko." Kakaibang saya ang naramdaman ko sa sinabi ni Ninong. Pakiramdam ko ay tanggap na niya kaagad ako. Kung maging kami kaya ng anak niya, ganoon pa rin? Sana nga.
"Makakaasa ka po."
Umakyat ako noong hapon dala ang meryenda ni Sir Pancho papunta sa kaniyang silid. Kanina pa siya nagkukulong at naiintindihan ko kung bakit. Sinabi ko na rin kina Nanay ang rason na hindi masabi ni Sir Pancho. Nagulat sila, pero kagaya ni Ninong, pinaubaya na nila si Sir sa akin. Sinabi na rin ni Nanay sa lahat na huwag magbanggit ng kahit ano na may kaugnayan kay Sir Ellie kapag nariyan si Sir. Makabubuti raw iyon para sa kaniya.
Pagdating ko sa harap ng kaniyang silid ay masuwerteng hindi naka-lock ang pinto. Marahan akong pumasok at nakita kaagad siyang natutulog sa kaniyang kama. Napangiti ako at walang ingay na pinatong ang tray ng pagkain sa lamesa roon. Iyon lamang, napawi ang ngiti ko noong makita ang yakap niyang litrato.
Si Sir Ellie.
Naikagat ko ang aking ibabang labi. Mahal na mahal niya talaga. Ramdam ko ang kakaibang pakiramdam sa aking sistema. Selos? Ito na nga ba iyon?
"Ellie... please don't go," salita niya sa gitna ng pagtulog.
Nakita ko ang panginginig ng katawan niya at paghigpit nang yakap niya sa litrato. Bumibilis na rin ang paghinga niya at noon ko lang napansin ang pamumula ng mukha ni Sir. Naalarma kaagad ako dahil may mali sa kaniya. Nang kinapa ko siya ay tama nga ako.
Mataas ang lagnat ni Sir Pancho!